Pormal na isinalin ni Philippine Navy Captain Mateo Carido ang kanyang tungkulin bilang Commander ng Counter Piracy Task Force (CTF) 151 kay Brazilian Navy Rear Adm. Antonio Braz de Souza.
Ang Change of Command Ceremony ay isinagawa kahapon sa United States Navy Base sa Bahrain.
Matagumpay na pinangasiwaan ng Philippine Navy Team na binibuo ng pitong opisyal sa pamumuno ni Capt. Carido ang CTF-151 mula nang mag take-over sila sa Republic of Korea Navy noong August 21, 2023.
Ang CTF-151 ay binubuo ng mga opisyal at tauhan ng Combined Maritime Forces (CMF) member countries na kinabibilangan ng Australia, Brazil, Bahrain, Italy, Japan, Jordan, Kuwait, Oman, South Korea, Spain, Singapore, Thailand, and Turkey.
Pinuri at pinasalamatan ni CMF Deputy Commander, Commo. Mark Anderson, ng Royal Navy si Capt. Carido at ang kanyang Philippine Navy staff sa kanilang dedikasyon, propesyonalismo at kahusayan sa pamamahala sa CTF-151. | ulat ni Leo Sarne