Balak ng Senado na maghain ng petisyon sa Korte Suprema o sa Commission on Elections (Comelec) para itigil ang pagtanggap ng poll body ng mga pirma para sa People’s Initiative kaugnay ng isinusulong na Charter Change (Cha-Cha).
Ayon kay Senate Minority Leader Koko Pimentel, mayroon nang justiciable controversy o mayroong batayan para kwestiyunin ang mga nakalap na pirma para sa PI.
Binahagi ni Pimentel na mayroon na silang planning session na gagawin sa weekend kaugnay ng paghahain ng petisyon at finishing touches na lang ang kulang nila.
Giniit ng minority leader na dapat nang tumigil ang Comelec sa pagtanggap ng mga pirma para sa PI lalo’t hindi nila alam kung sino ang naghahain ng signature sheets.
Pinunto pa ng mambabatas na sinabi na ng Korte Suprema na hindi naman sapat ang batas ngayon tungkol sa People’s Initiative kaya walang katwiran na tumanggap ng mga pirma ang poll body.
Sinabi pa ni Pimentel na simpleng pag amyenda sa batas lang ang diwa at batas ngayon tungkol sa People’s Initiative.
Pinahayag naman ni Senate President Juan Miguel Zubiri na makakatulong ang mga pinunto ni Pimentel para sa kasong ihahain ng mataas na kapulungan.| ulat ni Nimfa Asuncion