Makakatulong sa ekonomiya ng bansa ang mga proyekto sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites.
Sa isang pahayag, sinabi ni Department of National Defense (DND) Officer in Charge, Sr. Undersecretary Carlito Galvez Jr. na isa ito sa mga karagdagang benepisyo ng EDCA sites bukod sa pagpapalakas ng kakayahan ng bansa na ipagtanggol ang pambansang interes, at pagtataguyod ng “freedom of movement” sa rehiyon.
Inaasahan ng DND ang paglikha ng trabaho para sa mga mga lokal na manggagawa kapag sinimulan na ang pagpapatayo ng mga proyekto sa mga base militar ng Pilipinas, na popondohan ng mga Amerikano.
Bukod dito ay makikinabang din ang mga komunidad sa mga napiling EDCA sites sa pagbili ng mga lokal na materyales at suplay ng US military personnel.
Una nang inihayag ng US Department of Defense na dadagdagan nila ang 82 milyong dolyar na unang inilaan para sa limang orihinal na EDCA sites, matapos i-anunsyo ng Malacañang ang mga lokasyon ng apat na karagdagang site. | ulat ni Leo Sarne