Inaasahan ng Department of Transportation (DOTr) na tataas pa ang bilang ng mga public utility vehicle (PUV) operator at driver na sasali sa PUV Modernization Program ng pamahalaan.
Ito ay matapos paliwigin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang deadline para sa ‘jeepney consolidation’ hanggang sa April 30.
Ayon kay Transportation Secretary Jaime Bautista, ginawa ng Pangulo ang hakbang para mabigyan ng pagkakataon ang mga PUV operator at driver na hindi pa nakakapag-consolidate na bumuo ng kooperatiba o korporasyon para makasali sa PUV Modernization Program.
Ani Bautista, tinatayang aabot sa 85% ang consolidation rate matapos palawigin ang deadline, mula sa kasalukuyang 76.6% na consolidation rate sa buong bansa.
Hinikayat din ng Transport Chief ang mga tsuper at operator na hindi pa nakakapag-consolidate. Sapat na aniya ang tatlong buwang palugit para sumali ang mga ito sa PUV Modernization Program ng pamahalaan. | ulat ni Diane Lear