Umabot sa P7,140,000 ang halaga ng illegal drugs ang nasabat ng pinagsanib na pwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency at Caloocan Police sa isang buy-bust operation sa Caloocan City kanina.
Kasabay nito ang pagkaaresto din sa dalawang drug personality na sina Raquel Macmod Ducan ng Brgy. 175, Camarin, Caloocan City at Ali Abdulbasit Abdullatip ng Upper Bicutan, JP Rizal, Taguig City.
Ayon sa PDEA, ikinasa ang buy-bust operation sa bahagi ng Zapote Road at kanto ng Ilang-ilang Street, Barangay 177 sa Lungsod ng Caloocan .
Nabawi sa mga ito ang 10 knot-tied transparent plastic bags na naglalaman ng humigit kumulang 1,000 gramo ng shabu at 5 pang heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman din ng shabu na tinatayang may 50 gramo.
Bukod dito ang nakumpiska ding samut-saring identification cards, analog phone at isang kulay puting kotse na toyota vios.
Parehong nasa custody na ng PDEA ang naarestong drug personalities para sa kaukulang imbestigasyon at pagsasampa ng kaso. | ulat ni Rey Ferrer