Nagpahayag ng buong suporta ang Philippine National Police (PNP) sa komprehensibong pagbabago sa pamumuno at pamamahala sa pamamagitan ng “Bagong Pilipinas” na pormal na inilunsad ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kahapon sa Quirino Grandstand sa Maynila.
Sa isang pahayag kasunod ng matagumpay na Kick-off Rally ng Bagong Pilipinas, tiniyak ni PNP Public Information Office Chief at Spokesperson Police Col. Jean Fajardo ang hindi natitinag na dedikasyon ng PNP na pangalagaan ang seguridad ng mga mamamayan tungo sa isang masaganang kinabukasan.
Ito’y kasunod ng bilin ng Pangulo sa mga pulis na pagsikapan ang tuloy-tuloy na pagbaba ng crime rate para sa isang mas ligtas na pamayanan.
Kabilang si PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr. sa mga opisyal ng pamahalaan na dumalo sa naturang kick-off rally, na nilahukan ng 400,000 participants.
Aktibo ring nakibahagi ang mga tauhan ng PNP sa aktibidad sa pamamagitan ng pagkakaloob ng frontline services sa Serbisyo Fair, tulad ng pag-isyu ng License to Own and Possess Firearms (LTOPF) at National Police Clearance. | ulat ni Leo Sarne