Siniguro ng Philippine Army ang patuloy na pagtugis sa mga natitirang miyembro ng Dawlah Islamiya (DI)-Maute na pinaniniwalaang nasa likod ng pambobomba sa Mindanao State University (MSU) sa Marawi City.
Ayon kay Philippine Army Public Affairs Office chief Colonel Louie Dema-ala, may mga nakatakas pang mga kasamahan ang grupo matapos na ma-nutralisa ng militar noong nakaraang linggo ang siyam na miyembro ng Dawlah Islamiya (DI)-Maute Group sa Lanao del Sur.
Kinumpirma ni Col. Dema-ala, na dalawa sa siyam na teroristang nasawi sa naturang engkwentro ay sangkot sa pambobomba sa naturang unibersidad.
Isa dito si Saumay Saiden alyas Ustadz Omar/ Abu Omar/ Saumay, na kabilang sa apat na pangunahing suspek sa MSU Bombing.
Habang ang isa pang nasawi ay si Abdul Hadi alyas Hodi Imam/ Abday’n na umano’y nag-assemble ng improvised explosive device na ginamit sa naturang pambobomba. | ulat ni Leo Sarne