Tiniyak ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. ang buong suporta ng AFP sa bisyon ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa isang “Bagong Pilipinas”.
Sa isang kalatas, sinabi ni Gen. Brawner na isusulong ng AFP ang bisyon ng Pangulo sa pamamagitan ng pananatiling isang propesyonal na organisasyon, na tapat sa konstitusyon, sa Chain of Command, at sa mga mamamayan.
Nanindigan si Gen. Brawner na patuloy ang AFP na nagkakaisa, may kakayahan, “non-partisan,” at nakatuon sa mandato nitong ipagtanggol ang mga mamamayan at ang estado sa lahat ng dayuhan at lokal na banta.
Hinikayat naman ng AFP chief ang lahat ng tauhan ng AFP na isapuso ang mensahe ng Pangulo at maging halimbawa ng pagiging Bagong Pilipino sa isang Bagong Pilipinas.
Ito’y sa pamamagitan ng pagtutok sa kanilang misyon nang tapat sa tradisyon ng katapangan, tungkulin, katapatan at sakripisyo sa kanilang marangal na propesyon. | ulat ni Leo Sarne