Malaking papel ang ginagampanan ng Vietnam sa pag-unlad ng ekonomiya ng Pilipinas.
Ito ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ay dahil isa ang Vietnam sa mga pinakamahahalagang bansa sa Timog – Silangang Asya na palaging kaagapay ng Pilipinas.
Sa talumpati ng Pangulo sa harap ng Filipino Community, sinabi nito na tulad ng Pilipinas, ang ekonomiya ng Vietnam ay mabilis ang pag-usbong.
Ito aniya ang dahilan kung bakit kailangan na mas lalong pagtibayin at palakasin ang pagtutulungan ng dalawang bansa, para sa ikabubuti ng kapwa mamamayan ng mga ito.
Narito ang naging pahayag ni Pangulong Marcos…
“Marami ang maaaring maitulong ng Vietnam sa paglago at pagyaman ng ating ekonomiya. We are happy that Vietnam’s economy continues to grow and provide a positive impact to the ASEAN region. Ang kanilang masiglang ekonomiya at industriya ay katuwang ng Pilipinas sa pag-unlad sa pamamagitan ng ating ‘active and sustainable partnership on trade and investment’.”
Ayon pa kay Pangulong Marcos, tuwing nagkukulang ang Pilipinas sa bigas, ang Vietnam ang isa sa mga bansang tinatakbuhan ng bansa, para sa karagdagang suplay ng bigas.
At sa state visit na ito ng Pangulo, inaasahang maseselyuhan ang isang kasunduan, na magbibigay garantiya sa patuloy na pagsuplay ng Vietnam ng bigas sa Pilipinas, kahit pa sa gitna ng kalamidad.
Bukod diyan, mayroon ring inaantay ang Pilipinas at Vietnam na maritime cooperation deal, sa pagitan ng coast guard ng dalawang bansa.
Una nang sinabi ng PCG na lalamanin ng kasunduang ito ang kooperasyon para sa marine environmental protection at pagpapalakas ng kakayahan para sa search and rescue.
Posible rin na bumuo sila ng hotline para sa mas mabilis na komunikasyon sa pagitan ng PCG at ng counterpart nito sa Vietnam, para sa mas mabilis na koordinasyon, tuwing mayroong nawawalang Pilipino o Vietnamese na mangingisda. | ulat ni Racquel Bayan
📷: PCO