Palalakasin pa ng Land Transportation Office ang pakikipag-ugnayan nito sa Philippine Coast Guard para sa kampanya laban sa colorum PUVs at implementasyon ng “No Registration, No Travel” policy.
Nakipagpulong na si LTO Chief Asec. Atty. Vigor D. Mendoza II sa ilang opisyal ng PCG para talakayin ang pagsasapinal ng plano sa nationwide crackdown.
Sa pulong, idinulog ni Asec. Mendoza ang reklamo at hinaing ng mga lehitimong PUV operators at drivers sa mga colorum na pumapasada sa kanilang mga ruta.
Dahil dito, paiigtingin aniya ng LTO ang koordinasyon nito at interoperability ng Coast Guard laban sa colorum PUVs.
“We understand these concerns and this is the reason why we have been strengthening our coordination and interoperability with the Coast Guard and other law enforcement agencies against these colorum vehicles,” pahayag ni Asec. Mendoza.
Kasabay ng anti-colorum drive ang pinalakas na “No Registration, No Travel” policy.
Kuntento naman aniya si Asec. Mendoza sa ikinakasang information drive at law enforcement operations hinggil dito na nagresulta na sa pagpaparehistro ng 200,000 motor vehicles sa buong bansa.
“I am personally monitoring both our law enforcement operations and the information drive and I commend our officials and personnel for this positive result. The figures are encouraging and I am confident that more delinquent motor vehicles will be registered in the coming days,” Assec Mendoza. | ulat ni Merry Ann Bastasa
📷: LTO