Pinagtibay ng House Committee on Basic Education and Culture ang resolusyong nagsusulong na ibalik sa Hunyo ang pagbubukas ng mga klase mula sa kasalukuyang Agosto.
Pagsiguro naman ni Dir. Leila Areola ng Department of Education (DepEd), mayroon nang nabalangkas na memo ang kagawaran para sa pagbabalik sa June-March school calendar.
Gayunman, ang target na pagpapatupad nito ay “gradual” o unti-unti upang hindi mabitin ang “vacation days” ng mga guro.
Hindi rin aniya ito maipapatupad sa school year 2024-2025, at sa halip ay sa school year 2025-2026 na.
Dagdag ni Areola, tapos na rin ang konsultasyon nila sa mga stakeholder ngunit nais muna ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte na makonsulta rin ang field offices at regional directors ng DepEd.
Sa pagtaya naman ng PAGASA, sakaling maibalik na sa June-March ang school calendar ay kakaunti ang school days na may “extremely hot temperature” at hindi rin umano maulan ang graduation day.
Gayunman dapat pa rin umanong paghandaan ang panahon ng tag-ulan.
“We need to prepare for more school days coinciding with the rainy season, that would be 60 days…but we will also have fewer days with hot temperatures because our learners experienced fainting and so on. It will also be better for graduation since learners won’t be soaked in the rain during their graduation, so it would be a happier celebration,” sabi ni DOST Climatology and Agrometeorology Division chief Marcelino Villafuerte II. | ulat ni Kathleen Forbes