Tulad pa rin ng dati ang relasyon nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Vice President Sara Z. Duterte.
Ito ang binigyang diin ni Pangulong Marcos, sa kabila ng mga pahayag na binitawan ng ilang miyembro ng pamilya ng bise presidente laban kay Pangulong Marcos.
Sa panayam sa media, sa pagtatapos ng State Visit ng Pangulo sa Hanoi, Vietnam, sinabi ng Pangulo na hindi naman nagbabago ang relasyon nila ni VP Sara, lalo’t wala namang binibitawan na mga pahayag ang bise presidente laban sa Pangulo.
“It’s exactly the same because she hasn’t said anything of that nature… Wala naman siyang sinasabi na ganyang klase, so, hindi naman nagbabago.” -Pangulong Marcos.
Bukod dito, binigyang diin ng Pangulo na mananatili ang bise presidente bilang kalihim ng DepEd sa ilalim ng Marcos Administration, kahit pa sa kabilang ng mga usapin sa kasalukuyan, sa pagitan ng mga Duterte at mga Marcos.
Sabi pa ng Pangulo, mayroon pa ring UniTeam sa kasalukuyan, lalo’t ang UniTeam naman ay ang pagsasama-sama hindi lang ng isa o dalawa, bagkus ay ng iba’t ibang political forces sa Pilipinas, para sa ikabubuti ng bansa.
“I believe so. If you remember, UniTeam is not just one party or two parties or three parties. It’s the unification of all the political forces in the Philippines that have come together for the good of the country. That is still there. It is still vibrant, and we will continue on that basis.” -Pangulong Marcos.| ulat ni Racquel Bayan