Isinusulong ni Senador Francis Tolentino na maamyendahan ang batas ng Pilipinas tungkol sa larangan ng medisina.
Sa inihaing Senate Bill 2519 ng senador, layong i-update ang Republic Act 2382 o ang Medical Act of 1959 para makasabay sa mga improvement at advancement sa Philippine healthcare industry.
Kabilang sa mga pagbabagong nais pagtuunan ng pansin sa panukala ang pag upgrade sa standards at regulations sa basic medical education; medical internship at post-graduate medical education at training; pagsasagawa ng licensure at registration ng mga physician; pangangasiwa at regulasyon ng medicine practice; pagsasama-sama ng propesyon sa ilalim ng iisang national professional organization of physicians; pagtataguyod ng kapakanan ng at kaligtasan ng pasyente; at pagsulong ng competence, moral values at professional ethics sa miyembro ng medical profession.
Sa ilalim rin ng naturang panukala ay bubuo ng mga opisina at ahensyang pagtutuunan lang ng pansin ang development ng medical profession.
Pinapalawak rin nito ang coverage ng practice ng medicine para maisama ang telemedicine at non- clinical practice.
Ipinapanukala rin ni Tolentino, na makapag practice ng medisina ang mga dayuhan dito sa Pilipinas basta’t may karampatang permit at susunod sa guidelines. | ulat ni Nimfa Asuncion