Nagpahayag ng buong suporta ang mga senador na muling maipasa sa Kongreso ang panukalang pagtatatag ng Bulacan Airport City Special Economic Zone and Freeport.
Matatandaang naipasa na noong 18th Congress ang naturang panukala pero na-veto ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa pagdinig para sa panukala kaninang umaga, sinabi ni Senate President Juan Miguel Zubiri na kumonsulta na sila sa mga eksperto, kabilang ang dating Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) Chairperson Amy Eisma, para matugunan ang mga ipinunto ni Pangulong Marcos sa veto message nito sa unang naipasang Bulacan Ecozone bill.
Umaasa rin si Senador Sherwin Gatchalian, na matutugunan na ng tinatalakay nila ngayong panukala ang mga concern ng ehekutibo para makabuo ng isang epektibong Bulacan Ecozone bill.
Tiniyak naman ni Senate Majority Leader Joel Villanueva, na ang panukala ngayon ay mayroon nang sapat na mga safeguard at nakalinya na sa national development plans, mga polisiya, mga batas at mga panuntunan.
Binigyang diin ng mga senador, na malaki ang maitutulong ng pagkakaroon ng Bulacan ecozone sa pagpapalago ng ekonomiya hindi lang ng Bulacan kung hindi maging sa buong Central Luzon at buong Pilipinas.
Bukod sa paghikayat ng investors at mga negosyo sa Pilipinas, inaasahan ring magbubunga ang Bulacan ecozone ng dagdag na trabaho sa mga Pilipino at posibilidad na paglago ng turismo. | ulat ni Nimfa Asuncion