Aabot sa 7,967 na mga indigent na residente sa Quezon City ang naabutan ng libreng serbisyong pangkalusugan sa simultaneous medical missions na inorganisa ng Philippine Medical Society of Northeast Florida Inc. (PMSNFI) sa pakikipagtulungan sa Quezon City government.
Ikinasa ang medical missions sa lahat ng distrito sa lungsod mula January 22-27.
Bukod sa check up, tinugunan rin ng mga volunteer doctor at nurses ang medical at surgical needs ng mga pasyenteng tinukoy ng Action Officers mula Districts 1-6.
Ilan lang dito ang operasyon sa hernia, abdominal surgery, gynecological cases, goiter, cleft lip, at small lumps at bumps, vasectomy, at cataracts.
Sa isang pahayag, nagpasalamat naman si QC Mayor Joy Belmonte sa inialok na tulong-medikal ng PMSNFI na tumugon sa problemang pangkalusugan ng nga mahihirap na residente sa lungsod.
Kasunod nito, sinabi ng alkalde na bukod sa oras at talento, higit sa ₱14-million halaga rin ang inilaan ng organisasyon para sa iba’t ibang medical equipment, supplies at gamot na ginamit sa mga residente. | ulat ni Merry Ann Bastasa