Nais ni House Deputy Speaker at Las Piñas Representative Camille Villar na mapalawak pa ang National Feeding Program ng pamahalaan katuwang ang ating lokal na magsasaka.
Sa kaniyang House Bill 9811, aamyendahan ang Republic Act 11037 o ang Masustansyang Pagkain para sa Batang Pilipino Act upang maisama ang undernourished na mga bata sa secondary schools.
Sa kasalukuyan kasi, tanging sakop lang ng feeding program ang mga day care, kindergarten, o elementary students.
Magkakaroon naman ng ugnayan sa pagitan ng Department of Education at mga Micro, small and medium enterprises (MSMEs), mga kooperatiba o asosasyon ng mga magsasaka, at community-based at grassroots initiatives upang sa kanila na direkta kumuha ng produkto para sa feeding program.
Kada meal ng mga estudyante ay paglalaanan ng ₱29 na budget na maaari madagdagan depende sa inflation at nutritional adjustments. | ulat ni Kathleen Jean Forbes