Naniniwala si Finance Secretary Ralph Recto na importante na sapat at stable ang presyo ng bilihin sa bansa upang itulak ang paglago ng ekonomiya.
Ayon kay Recto, ngayong natamo ang 5.6 percent na gross domestic product (GDP) growth nung nakaraang taon, nakatuon ngayon ang kanyang kagawaran sa pagkamit ng medium to long term goals kabilang dito ang pagsisikap na mapababa pa ang inflation.
Ang kanyang “first order of business” ang Reduce Emerging Inflation o REIN upang mapalakas ang purchasing power ng publiko.
Target din ng Department of Finance (DOF) na makamit ang P4.3 trillion na revenue collection ngayong taon, para sa fiscal sustainability at upang masigurong walang maging balakid sa target na economic growth.
Sasamantalahin din aniya ng gobyerno ang kumpiyansang ipinamalas ng mga multilateral organization at credit rating agencies, para maka-engganyo ng mas maraming investment at trabaho sa bansa.
Patuloy ding isusulong ng kagawaran ang mga fiscal reform katuwang ang Kongreso upang agaran na itong maipasa at maipatupad.
Ang pang huli ay ang pagsasakatuparan ng 2024 budget, upang maiwasan ang underspending ng government agencies at ang pagkamit ng high-yielding infrastructure projects katulong ang local government. | ulat ni Melany Valdoz Reyes