Naghain si Senador Jinggoy Estrada ng isang panukalang batas na magmamandato sa lahat ng mga lokal na pamhaalan na maglaan ng bahagi ng kanilang national tax allotment para gawing libre ang mga gamot para sa mga mahihirap na pasyente sa mga pampublikong ospital sa kanilang nasasakupan.
Sa inihaing Senate Bill 1029 ni estrada, minumungkahi na maglaan ng pondo ang mga LGU para matustusan ang pamamahagi ng libreng gamot sa mga pampublikong ospital, klinika at iba pang establisyimento para sa mga mahihirap na mga pasyente.
Paliwanag ng senador, kahit pa libre ang konsultasyon at pagpapaospital sa mga public hospital, healthcare centers o mga clinic, kadalasan namang nahihirapan ang ilan nating mga kababayan na bilhin ang mga gamot na inirereseta sa kanila.
Para matiyak ang access sa libreng gamot ng indigent patients, nais ni Estrada na maglagay ng pharmacy o botika ang mga pampublikong ospital o klinika para sa pamamahagi ng mga ito.
Nakasaad rin dito na ang mga LGU, local social welfare department, at mga opisyal ng barangay ang dapat magtukoy at magpanatili ng listahan ng mga indigent na pasyente para masiguro na ang mga libreng gamot ay wastong maipapamahagi sa mga nararapat na benepisyaryo.
Itinatakda rin ng panukala ang parusang dalawa hanggang pitong taon na pagkakakulong laban sa mga magtatangka na gumawa ng listahan o mag-isyu ng sertipikasyon sa mga pekeng indigent patients.
Ang parehong parusa ay ipapataw laban sa mga sangkot sa mga iregularidad sa pagbili at pamamahagi ng mga libreng gamot, dagdag pa niya. | ulat ni Nimfa Asuncion