Sumuko kay House Deputy Majority Leader at ACT-CIS Party-list Rep. Erwin Tulfo ang driver-bodyguard ng apat na Chinese nationals na dinukot at pinagnakawan umano ng mga pulis ng Southern Police District sa Parañaque, noong Setyembre ng nakaraang taon.
Inamin ni Michael Novecio, driver at body guard ng apat na Chinese national na kasabwat at informant siya ng mga pulis sa naturang krimen.
Dahil aniya sa takot kaya siya lumapit kay Tulfo para sumuko kay House Committee on Public Order and Safety Chair at Sta. Rosa Rep. Dan Fernandez.
“Napanood niya ang hearing natin nung isang araw, kaya raw siya sumuko sa aming tanggapan. Hindi na raw niya alam kung sino ang kalaban niya. May humahabol daw sa kanya na mga grupo ng mga Chinese at hinahabol din siya ng mga grupo ng pulis,” sabi ni Tulfo
January 30, naglabas ng warrant of arrest ang komite laban kay Novecio dahil sa patuloy nitong pagtangging sumipot sa kanilang mga pagdinig.
“Ang reason kaya inilabas namin ang picture niya kasi siya yung pinaka-kasama ng mga Chinese nationals. Siya ang nakakaalam kung anong pera meron dun at kung ano ang mga negosyo (ng mga Chinese nationals),” ani Fernandez
Agad namang ipinag-utos ni Fernandez kay House Secretary General Reginald Velasco na bigyan ng proteksyon si Novecio.
“Siguro ang gagawin natin i-secure muna natin ito. Thank you for surrendering to us and for trusting us Congress under the leadership of Speaker Ferdinand Martin Romualdez. Rest assured na po-protektahan ka namin dito,” giit ni Fernandez.
Kapwa naman positibo ang dalawang mambabatas na sa pagsuko ni Novecio ay malaking tulong s amabilis na ikareresolba ng imbestigasyon ng Kamara. | ulat ni Kathleen Forbes