Habang papalapit ang Valentines day, nagbabala ang toxic watchdog group na Ban Toxic laban sa paglaganap ng imitasyon at mga pekeng pabango sa pamilihan.
Ayon kay Thony Dizon, Toxics Campaigner ng BAN Toxics, ang mga imitasyon na pabango ay may mga sangkap na hindi pinahihintulutan sa cosmetic products o mula sa kontaminasyon ng heavy metals.
Kamakailan, nagsagawa ng market monitoring ang grupo at napatunayang ibinebenta ang mga murang pabango sa mga lungsod ng Caloocan, Makati, Manila, Pasay, Taguig, at Quezon.
Lubos na mabili ang mga ito,dahil sa mababang presyo at may magkaparehong packaging at mga label na kahawig ng mga kilalang brand.
Sinabi pa ni Dizon ang pagbili ng pabango na hindi sumailalim sa wastong awtorisasyon ay mapanganib sa kalusugan ng tao.
Dahil dito,hiniling ng BAN Toxics sa Food and Drug Administration at Local Officials, na magsagawa ng joint inspection at verification ng Certificate of Product Notification (CPN).
Ang nasabing hakbang ay alinsunod sa Food and Drug Administration Act of 2009 na layong maprotektahan ang mga mamimili. | ulat ni Rey Ferrer