Itinuturing ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa na istratehiya ng China ang inilabas nitong pahayag sa pagsang-ayon ng Pilipinas na magkaroon ng apat na bagong sites para sa mga aktibidad para sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) natin kasama ang Estados Unidos.
Ayon kay Dela Rosa, layon ng naturang pahayag na i-discourage o sikaping pigilin ang ating bansa na tuparin ang commitment natin sa U.S.
Sa kabila nito, sinabi ng senador na hindi dapat tumigil ang ating bansa at ituloy lang ang mga bagong EDCA sites.
Samantala, sinabi rin ni Dela Rosa na hindi dapat na mag-alala ang Pilipinas sa ginagawang live-fire drills ng China malapit sa Taiwan bilang tugon sa naging byahe ni Taiwanese President Tsai Ing-wen sa U.S.
Giit ng senador, walang mali sa ginagawa ng China basta’t mananatili ang kanilang aktibidad sa loob ng kanilang teritoryo.
Gaya lang aniya ito ng ginagawang joint military exercises ng Pilipinas at U.S. sa loob naman ng sarili nating teritoryo. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion