Nagpapatuloy ang pag-alalay ng National Government sa mga magsasaka at sa agri sector sa kabuuan, sa gitna ng epekto ng El Niño phenomenon sa Pilipinas.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni Agriculture Asec Arnel de Mesa na una nang naglaan ng PHp1.8 billion ang Philippine Crop Insurance Corporation, upang ma-ensure ang nasa 916, 000 na magsasaka simula Enero hanggang Hunyo ng taong kasalukuyan.
Bukod pa ito sa Php500 million para sa higit 200, 000 na magsasaka na maaaring maapektuuhan ng El Niño.
Ayon sa opisyal, sa kasalukuyan, nakakaramdam na ng kakapusan ng tubig sa ilang sakahan sa bansa, partikular iyong umaasa sa tubig ulan.
Dahil dito, nakaantabay na ang cloud seeding operation ng DA, at nagsimula na rin sila sa pamamahagi ng ilang small scale irrigation project.
“Doon naman sa mga irrigated areas kagaya ng Pampanga at Bulacan, Nueva Ecija hanggang Ilocos at Cagayan Valley, sapat pa naman iyong tubig lalo na sa Angat at Pantabangan Dam at inaasahan natin na, noon nagpunta kami doon last week ay maganda, iyong tayo ng ating mga palayan doon. At doon sa mga lugar na lubhang maapektuhan ng El Niño ay naka-antabay din ang ating cloud seeding operations at namahagi na rin tayo ng ilang small scale irrigation projects.” —De Mesa.
Ayon sa opisyal, base sa pagtataya ng PAGASA, ang peak ng epekto ng El Niño ay mararanasan ngayong Pebrero hanggang Marso.
Sa Abril naman inaasahang magsisimula ang unti – unting paghupa ng matinding init at tagtuyot na dala ng El Niño.
“Hinihikayat natin na magtanim din ng mga crops na hindi masyadong nangangailangan ng maraming tubig. At iyong promotion natin ng alternate wetting and drying para makabawas ng malaki doon sa pangangailangan ng tubig lalung-lalo na sa mga palayan.” —De Mesa.| ulat ni Racquel Bayan