Nasamsam ng mga tropa ng 103rd Infantry “Haribon” Brigade ng 1st Infantry “Tabak” Division ang mga high-powered firearms at mga war materiel mula sa ARMS cache ng Dawlah Islamiyah-Maute Group (DI-MG) sa Balindong, Lanao del Sur.
Narekober ang arms cache sa isinagawang “decisive operation” ng militar, kasama ang police task force, sa tatlong lungga ng DI-MG sa nabanggit na lugar.
Nakatakas ang mga terorista, subalit, naiwan nila ang kanilang mga armas at iba pang mga kagamitan sa giyera na kinabibilangan ng mataas na kalibre ng mga baril, mga bala, kagamitan sa komunikasyon, at personal na mga gamit.
Pinuri naman ni B/Gen. Yegor Rey Barroquillo Jr., kumandante ng 103rd IB, ang mga tropa dahil sa kanilang pagpupunyagi na mapahina ang kapabilidad ng DI-Maute Group.
Pinasigla’t pinuri din ni Maj. Gen. Gabriel Viray III, commanding general ng Tabak Division, ang mga tropa ng Haribon Brigade at ang pulisya dahil sa kanilang matagumpay na operasyon, at sa kanilang dedikasyon na masugpo ang terorismo sa rehiyon.| ulat ni Lesty Cubol| RP1 Zamboanga Sibugay