Naghain ng panukalang batas si Lanao Del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na naglalayong payagan ang mga miyembro ng Government Service Insurance System (GSIS) na makapagtalaga ng kanilang napiling benepisyaryo.
Sa ilalim ng House Bill 9792 “An Act Amending Presidential Decree No. 1146 as amended by RA GSIS Act of 1997, Layon ng panukalang batas na bigyan ng karapatan ang mga miyembro ng GSIS na makapili ng kanilang benepisaryo sa kawalan ng primary at secondary beneficiaries.
Nakasaad sa Republic Act 8291 na ang primary at secondary beneficiaries lamang ang maaaring makatatanggap ng survivorship pension.
Ang panukalang batas ay nagpapahintulot na sa kawalan man ng mga primary at secondary beneficiaries- ang miyembro ay maaaring makapagtalaga ng sinumang benepisaryo nito.
Ayon kay Adiong, sa pamamagitan nito, kinikilala ang mga single government employees dahil sa kanilang debosyon sa public service ay hindi nagkaroon ng pagkakataon na bigyang oras ang kanilang personal na buhay upang makabuo ng sariling pamilya.
Sila ang tumatayong breadwinners, hindi lamang sa kanilang immediate family, kundi pati na rin sa kanilang extended relatives.
Layunin nito na i-expand ang depinisyon ng secondary beneficiaries sa ilalim ng GSIS Law tulad ng nakasaad sa batas ng Social Security Act of 2018 Republic Act 11199, Section 8 (k) na makapagtalaga ang mga miyembro ng kanilang benepisaryo kapag wala silang primary o secondary beneficiaries.| ulat ni Melany V. Reyes