Pasado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang panukalang batas na layong magpatupad ng reporma sa Philippine National Police (PNP), ito ang Senate Bill 2449.
Sa botong 23 na senador ang pabor, walang tumutol at walang nag-abstain, aprubado na ang panukalang mag-aamyenda ng Republic Act 6975 o ang Department of Interior and Local Government Act of 1990 at ang Republic Act 8551 o ang PNP Reform and Reorganization Act of 1998.
Kabilang sa mga ipinapanukala dito ay ang paglipat ng kapangyarihan na magtalaga ng chiefs of police at provincial director sa mga siyudad at munisipalidad sa PNP chief mula sa kasalukuyang nagtatalaga nito na mga mayor at mga gobernador.
Nakasaad rin sa panukala na ang compulsory retirement age ng mga kawani ng PNP ay itatakda na sa 57 years old mula sa 56 years old ngayon.
Itinatakda rin nito na magkaroon ng fixed term na dalawang taon ang mga PNP chief.
Imamandato rin sa panukala na maitaas ang estado at pagtrato sa PNP academy at mga kadete nito.
Nakasaad dito na itratrato na bilang empleyado ang mga kadete at gagawaran ng titulo na police cadets at bibigyan ng karampatang mga sweldo at mga benepisyo. | ulat ni Nimfa Asuncion