Magandang balita ani Agri Party-list Representative Wilbert Lee ang pagtatapos ng fishing ban hindi lang para sa mga mangingisda kundi maging sa mga consumers.
Ito ang reaksyon ng kinatawan sa anunsyo ni Agriculture Assistant Secretary Arnel de Mesa na inaasahan na ang pagbaba sa presyo ng ilang isda gaya ng galunggong ng hanggang 30 percent dahil sa muling pagbubukaa ng fishing season.
Aniya, dagdag kita ito para sa ating mga mangingisda at makatitipid naman sa mga gastusin ang mga mamimili.
Kaugnay nito ay muling nanawagan ang mambabatas ng dagdag na suporta at ayuda sa ating mga mangingisda, gayundin ang pagpapaigting sa pagbabantay sa overfishing at ilegal na pangingisda para maprotektahan ang kabuhayan ng maliliit na mangingisda.
Sa paraan aniyang ito ay masisiguro na mapataas ang kanilang lokal na produksyon, at mapababa ang presyo sa merkado.
Paalala ng kinatawan na ang pagpapalakas sa lokal na produksyon ay makatutulong para sa isinusulong na food security upang hindi na umasa pa sa importasyon at matiyak na ang kailangan lang ang dapat inaangkat. | ulat ni Kathleen Jean Forbes