May alok na libreng sakay ang MRT-3 ngayong araw para sa mga pasahero.
Ito ay bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-125 anibersaryo ng Department of Transportation (DOTr).
Maaaring i-avail ang libreng sakay sa peak hours ng operasyon ng linya mula 7:00 AM hanggang 9:00 AM, at mula 5:00 PM hanggang 7:00 PM ngayong araw.
Ayon kay Transport Assistant Secretary for Railways at MRT-3 Officer-in-Charge Jorjette Aquino, ang handog na libreng sakay ay selebrasyon at pagpapatunay ng matibay na suporta ng linya sa misyon ng kagawaran na magbigay ng ligtas, komportable, maaasahan, at maayos na transportasyon sa publiko.
Regular weekday operating hours naman ang ipatutupad ng MRT-3. Ang first trip sa North Avenue Station ay 4:30 AM, samantalang 9:30 PM naman ang last trip. Sa kabilang banda, ang first trip sa Taft Avenue Station ay 5:05 AM, at 10:09 PM naman ang last trip. | ulat ni Merry Ann Bastasa