Mas lalong nahikayat si Finance Secretary Ralph Recto sa naitalang 2.8 percent January inflation.
Ayon kay Recto, mas lalo niyang isusulong ang pagpapatupad ng mga hakbang at istratehiya upang mapababa ang inflation.
Aniya, top priority ng kanyang pamamahala ang lalo pang pagbaba ng inflation at protektahan ang purchasing power ng mga Pilipino.
Paliwanag nito, ang ang pagtugon sa inflation ay hindi lamang para sa paglago ng ekonomiya bagkus ito ay makatutulong din upang pataasin ang revenue collection at higit sa lahat ay pagbutihin ang buhay ng bawat isang Pilipino.
Kaya ayon sa kalihim, patuloy na pangangasiwaan ng Department of Finance (DOF) ang mga ipatutupad na istratehiya sa ilalim ng REIN plan o Reduce Emerging Inflation Now.
Ang pokus ng DOF ay nakasalalay sa pagpapahusay ng pagtukoy ng mga benepisyaryo ng ipamamahaging tulong pinansyal ng gobyerno, pagtugon sa mga issue na nakakaapekto sa inflation, pakikipagtulungan sa mga ahensya ng gobyerno na responsable para sa epektibong pagpapatupad ng mga programa at pagasta ng kanilang budget. | ulat ni Melany Valdoz Reyes