Umaasa si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na madu-doble pa ang bilang ng mga titulo ng lupa na maipapamahagi ngayong 2024, kumpara sa 90,000 land titles na naipagkaloob sa mga magsasaka noong 2023.
“Ang pamimigay ng titulo sa ating mga magsasaka ay unang hakbang lamang sa pagkamit ng kanilang kalayaan sa kahirapan,” -Pangulong Marcos.
Sa distribusyon ng land electronic titles sa 2,600 na benepisyaryo sa Davao City, ngayong araw (February 7) binanggit ng Pangulo ang target na maipamahagi ang lahat ng lupa sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) bago matapos ang kaniyang termino.
Ang naipamahagi aniyang titulo ngayong araw ay magandang simula sa mas marami pang titulo na ipamamahagi ngayong 2024.
Pangako ni Pangulong Marcos, hindi titigil ang pamahalaan sa land title distribusyon.
“Hindi na tayo papayag na ang pinakamahirap na hanapbuhay ay ang magsasaka. Mahirap naman talaga, kahit anong gawin natin mahirap ang magsaka. Kaya’t kailangan ng tulong ng ating mga magsasaka— ang lahat ng tulong na maibigay ng pamahalaan, at ang pribadong sektor kasama rin diyan— lahat ng tulong na mabibigay ay ibibigay namin para naman masabi nating maganda ang magiging hanapbuhay ng ating mga magsasaka.” -Pangulong Marcos
Patuloy aniyang kikilos ang gobyerno upang maipagkaloob sa mga magsasaka ang iba pang suporta na kaakibat ng land titles, tulad ng pagsisiguro ng access ng mga ito sa processing machineries, access sa credit o murang pautang ng gobyerno, farm to market roads, libreng punla, abono, at iba pang, maaaring maipagkaloob ng pamahalaan.
“Tulungan natin silang makaahon sa kahirapan at mapaunlad ang kanilang kabuhayan sa pamamagitan ng mga makabagong pamamaraan, mula sa pag-aararo, pagtatanim, pag-aani hanggang sa pagbebenta sa merkado. Sama-sama at kapit-bisig po tayo sa pagpapayabong ng agrikultura ng bansa, sa pagkamit ng mas masaganang bukas para sa ating lahat, para sa lahat ng Pilipinas.” – Pangulong Marcos | ulat ni Racquel Bayan