Nagbigay ng mga rekomendasyon ang iba’t ibang stakeholders sa sektor ng edukasyon para mapaganda ang kalidad ng edukasyon sa ating bansa.
Ito ay sa naging talakayan ng Senate Committee on Education tungkol sa resulta ng 2022 Program for International Student Assessment (PISA), kung saan hindi naging maganda ang performance ng mga estudyanteng Pinoy.
Para kay Dr. Marlyn Balagtas, Vice President for Academics ng Philippine Normal University, dapat tugunan ng whole of society systematic apporach ang aniya’y krisis sa edukasyon sa ating bansa.
Kailangan aniyang mas palakasin ang early learning program sa Pilipinas para mapalakas ang parental engagement at home literacy.
Dinagdag rin ni balagtas na dapat ring magkaroon ng malinaw na panuntunan sa paggamit ng cellphone at iba pang gadgets sa mga paaralan at pagsasagawa ng research para sa disiplina sa mga silid aralan.
Minungkahi naman ni Dr. Lizamarie Olegario ng UP college of education na matutukan ang mentoring at in service training sa mga guro.
Habang para naman kay Dr. Antonio del Carmen ng Philippine Association of Private Schools, kailangang masolusyunan ang overcrowding sa mga paaralan at problema sa migration ng mga guro.
Binigyang diin naman ni Senate Committee on Basic Education chairman Senador Sherwin Gatchalian na ang resulta ng 2022 PISA ay maaaring gamitin para makabuo ang bansa ng makabuluhang solusyon sa mga problema ng education sector ng Pilipinas.| ulat ni Nimfa Asuncion