Naipresenta na sa plenaryo ng Senado ang panukalang batas na layong sakupin rin ng value-added tax (VAT) ang mga non-resident digital service providers.
Nai-sponsor na ni Senate Committee on Ways and Means chairman Senador Sherwin Gatchalian ang Senate Bill 2528.
Paliwanag ni Gatchalian, ang kasalukuyang tax code ng bansa ay nagtatakda ng pagpapataw ng buwis sa mga serbisyong iniaalok sa Pilipinas, kabilang na ang mga digital service providers.
Gayunpaman, hindi malinaw o partikular na nakasaad sa batas ang pangongolekta ng buwis sa mga non-resident o mga dayuhanag service provider kaya hindi ito maipatupad ng pamahalaan.
Binigay na halimbawa ng senador ang papataw ng VAT sa local streaming platforms gaya ng iWantTFC at Vivamax pero hindi pagkolekta ng parehong buwis sa foreign platforms gaya ng Netflix at HBO Go.
Pinunto ng mambabatas na bukod sa hindi ito patas para sa mga lokal na negosyo sa Pilipinas ay napipigilan rin nito ang pamahalaan na makolekta ang tamang buwis mula sa lumalagong digital economy.
Base sa pagtaya ng Department of Finance (DOF), ang pagtatakda ng VAT sa digitial service providers ay makapagbibigay ng dagdag na P83.3 billion na revenue sa pamahalaan mula 2024 hanggang 2028.| ulat ni Nimfa Asuncion