Tinaningan ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa ng tatlong buwan ang pambansang pulisya para buwagin ang mga fly-by-night o mga kolorum na security agencies.
Sa naging pagdinig sa Senado, inamin ni Police Colonel Joyce Patrick Sanggalang, Officer in Charge ng PNP Supervisory Office for Security and Investigation Agencies (SOSIA), na ang mga kolorum security agencies ang pinakamalaki nilang problema.
Pero giit ni dela Rosa, kung kaya ngang ipatupad ng PNP ang war on drugs ay kayang-kaya rin nitong walisin ang fly-by-night security agencies.
Ayon sa senador, matapos ang tatlong buwan ay magsasagawa ulit sila ng pagdinig at itatanong sa SOSIA ang kanilang pagkilos tungkol sa ilegal na security agencies.
Nakiisa rin si Senador Raffy Tulfo sa panawagan na ipatigil na ang operasyon ng mga agency na ito.
Giit ni Tulfo, sa halip na mino-monitor ay dapat na inaaresto agad ng mga pulis ang mga nagpapatakbo ng ilegal na security agencies
Pinanawagan namam ni Senador JV Ejercito sa SOSIA na higpitan ang screening process ng mga nais maging security guard bago sila bigyan ng baril.
Dapat aniyang tiyakin na sila ay physically at mentally fit bago pahawakin ng baril.
Bilang tugon, sinabi ni Sanggalang na paiigtingin nila ang operasyon laban sa mga kolorum security agencies. | ulat ni Nimfa Asuncion