Nilinaw ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na maaari pa ring mamasada ang mga tradisyonal na jeep kahit matapos na ang April 30 deadline para sa franchise consolidation, basta’t sila ay nakapag-consolidate na sa isang kooperatiba o korporasyon.
Ang paglilinaw ay ginawa ni LTFRB Board Member Atty. Mercy Leynes sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Kamara sa mga napaulat na anomalya sa PUV Modernization Program.
“After April 30, yung nag-consolidate pero may traditional jeepneys, tutuloy pong tatakbo yun. Yung unconsolidated by April 30, yun po ang hindi na po natin patatakbuhin,” ani Leynes.
Mayroon naman aniyang 27 buwan ang mga operator ng tradisyonal na jeep para tumalima at lumipat sa mandatory modern PUVs matapos maaprubahan ang kanilang Local Public Transport Route Plan (LPTRP).
Pero para kay House Committee on Transportstion Chair Romeo Acop, ang mga ganitong polisiya ay maituturing na “gentle coercion” sa mga driver at operator para sila ay mapilitang mag-consolidate.
“By your issuances of administrative orders napipilitan yung tao na mag-consolidate, kasi kung hindi mag-consolidate after April 30, hindi na siya pwedeng maghanapbuhay,” diin ni Acop.
Paliwanag naman ni Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista, ang pangunahing layunin lamang ng PUVMP ay makapagbigay ng pinakamagandang serbisyo para sa mga pasahero.
“Tinitignan natin kung ano ba yung makabubuti sa mananakay, and at the same time, di po natin pinapabayaan yung kalagayan ng drivers and operators,” punto ni Bautista. “Nakikita po namin na with consolidation, there will be improvements in the service”. | ulat ni Kathleen Jean Forbes