Kasalukuyang nagsasanay sa Chemical, Biological, Radiological, Nuclear (CBRN) operations ang mga tropa ng Armed Forces of the Philippines at U.S. military sa Camp General Macario B. Peralta, Jamindan, Capiz.
Ang limang-araw na pagsasanay na nagsimula nitong Lunes sa ilalim ng pangangasiwa ng 3rd Infantry (Spearhead) Division, ay bahagi ng mga aktibidad sa Balikatan 38 – 2023 Joint RP-US military exercise.
Ayon kay 3rd Infantry Division Commander Major General Marion Sison, ang CBRN training ay dinisenyo upang mapahusay ang kakayahan ng mga Pilipino at Amerikanong sundalo na sabayang tumugon sa CBRN-related incidents.
Magkakaroon aniya ng classroom lectures, hands-on exercises, at simulations.
Pormal na binuksan kahapon sa Camp Aguinaldo ang Balikatan 38 – 2023, na pinakamalaking sabayang pagsasanay ng AFP at US military sa kasaysayan, na nilalahukan ng mahigit 17,000 sundalo mula sa dalawang bansa at Australia. | ulat ni Leo Sarne
?: 3ID