Kusang isinuko sa mga awtoridad ng may-ari ng sinasabing smuggled na sports car ang sasakyan nito matapos magkasa ng search launch ang Bureau of Customs (BOC) nitong linggo.
Sinasabing ang isinukong pulang Bugatti Chiron ay isa lamang sa dalawang Bugatti na pinaghahanap ng ahensya sa kasalukuyan.
Patuloy pa rin ang mga awtoridad sa paghahanap ng ikalawang sasakyan na isang asul na Bugatti Chiron naman at may plakang NIM 5448.
Inaalam na rin ng mga awtoridad ang pinagmulan ng mga sasakyan at kapwa importation status ng mga ito.
Nanawagan naman ang BOC sa Land Transportation Office (LTO) ng imbestigasyon sa pag-iisyu ng mga registration ng mga sasakyan gayong walang mga tamang importation documents ang mga ito.
Ayon sa BOC, nagkakahalaga ng P165 milyon bawat isa ang mga nasabing sasakyan, na sinasabing nasa ilalim na kanilang mga imbestigasyon magmula pa noong Nobyembre 2023 matapos makatanggap ang ahensya ng “derogatory information.”
Sa kabila naman ng pagsuko ng sasakyan, haharapin pa rin ng may-ari nito ang mga paratang sang-ayon sa paglabag sa mga regulasyon ng customs.| ulat ni EJ Lazaro