Siniguro ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr. sa publiko na sapat ang suplay ng bigas sa bansa sa unang kalahati ng taong ito.
Bukod sa mga inangkat kamakailan ay may paparating pang ani na tataas sa Marso at Abril. Magiging matatag ang suplay ng pangunahing pagkain hanggang Hunyo sa kabila ng umiiral na El Nino.
Gayunman, maaaring manatili pang mataas ang presyo hanggang Setyembre sa taong ito, dahil sa epekto ng El Nino sa pandaigdigang suplay ng bigas at pagtaas ng demand para sa butil.
Noong nakaraang linggo, lumagda ang Pilipinas ng limang taong kasunduan sa Vietnam para magsuplay ng bigas .Inaasahan ang 1.5 milyon hanggang 2.0 milyong metrikong tonelada ng bigas kada taon.
Nangako naman ang India na bibigyan ang bansa ng karagdagang suplay sa kabila ng pagbabawal sa pag-import ng non-basmati rice.
May kabuuang 750,000 metriko tonelada ng imported na bigas ang dumating noong Disyembre at Enero, na pinatibay ang local inventory.| ulat ni Rey Ferrer