Dumarami na ang suplay ng sariwang isda na ibinabagsak sa mga pamilihan.
Ito’y dahil natapos na ang closed fishing season at unti-unti na rin kasing umiinit ang panahon bunsod sa paghina ng hanging amihan.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas sa Marikina Public Market, bahagya nang bumababa ang presyo ng Galunggong na siyang mailap at mahirap hanapin noong isang buwan.
Ayon sa ilang mga nagtitinda, dahil sa gumagandang panahon sa pangisdaan, marami nang nahuhuling sariwang Galunggong ngayon na dati’y puro frozen dahil sa kakapusan ng suplay.
Kasalukuyan nang mabibili ang Galunggong sa ₱230 kada kilo o nasa ₱30 na ang ibinaba.
Maliban sa Galunggong, bumaba rin ang presyo ng Tilapia na nasa ₱120 kada kilo, Bangus na nasa ₱220 kada kilo, Matambaka na nasa ₱280 kada kilo at Tulingan na nasa ₱280 kada kilo. | ulat ni Jaymark Dagala