Nakakuha ng suporta sa Kongreso ang pagkakaloob ng tax breaks sa two-wheeled electric vehicles (EVs) makaraang ihain ang isang bill na naglalayong isama ang mga ito sa listahan ng mga sasakyan na nakikinabang sa tariff reduction.
Inihain ni Albay 2nd District Representative Joey Salceda ang House Bill 9573 na naglalayong amyendahan ang Executive Order No. 12 series of 2022, na nagbabago sa tariff rates para sa ilang EVs at mga parts at components nito upang mapalakas ang green transportation sa bansa.
Ayon kay Salceda, ang two-wheeled electric motorcycles ay hindi pinagkakalooban ng tax breaks sa ilalim ng EO12, bagama’t ang mga ito ang bumubuo sa karamihan sa electric vehicles sa bansa.
Sa ilalim ng EO12, tanging ang kick scooters, self-balancing cycles, bicycles, at pocket motorcycles na may auxiliary motors na hindi lalagpas sa 250w at may maximum speed na 25 km/hour ang may 0% import duties. Samantala, ang electric motorcycles ay pinapatawan pa rin ng 30% tariff rate.
Sinabi rin ng mambabatas na ang
e-motorcycles ay hindi binigyan ng tamang pagtrato dahil ang mga ito ang pinakamurang uri ng electric vehicles at madaling gamitin, at ang hindi pagkakasama ng mga ito ay counterproductive pagdating sa paglutas sa congestion.
“Some 60 percent of electric vehicles are two-wheeled, meaning that the vast majority of electric vehicles do not benefit from the tax incentives granted under the law… encouraging electric cars while locking out electric motorcycles does not address congestion issues, but merely substitutes petroleum-fueled cars for their space on the road,” pahayag ni Salceda sa bill.
“In order to address these issues, this proposal clarifies in its definition of terms that electric vehicles include two-wheeled vehicles.
Additionally, the measure provides a zero-percent duty treatment on completely-built electric vehicles to accelerate the shift to these types of vehicles,” dagdag pa ng kongresista.
Ang hindi pagkakasama ng e-motorcycles sa listahan ng EVs na pinagkakalooban ng tax incentives ay umani ng pagbatikos mula sa iba’t ibang stakeholders ng industriya. Ayon sa mga mobility advocate, business owner, at environmentalist, hindi ito makatarungan sa mayorya ng mga motorista sa bansa.
Sa isang pag-aaral na isinagawa ng American business consulting firm Frost and Sullivan noong i2018, lumabas na nasa 93% ng mga sinarbey na Pinoy ang nagsabing bukas sila sa pagbili ng electric vehicles sa hinaharap.
Sa pagtaya ng Electric Vehicles Association of the Philippines, ang EV market ay lalago sa annual rate na 8% hanggang 12% sa susunod na 10 taon. Katumbas ito ng P1.68 billion na revenue services at sales ng 200,000 units sa 2024.
Ang EO12 ay nakatakdang repasuhin ngayong Pebrero, ayon sa National Economic Development Authority.
Ang pagsusulong sa EVs ay isa sa mga pangunahing paraan na ipinakikilala ng Philippine government upang makatulong sa pagbabawas ng carbon emissions. Para mapaigting ito, isinabatas ang Electric Vehicle Industry Development Act (EVIDA) upang lumikha ng isang industriya na susuporta sa EV transition ng bansa.