Dalawang pulis ng Palanan Police Station sa coastal municipality ng Palanan, Isabela ang tumulong sa pagpapaanak sa isang menor de edad kamakailan.
Ayon sa ulat, papunta sana sa isang police operation sina Patrolman Selvino Argonza at Patrolman Michael Eduardo noong umaga ng February 07, nang makasalubong nila sa Brgy. Sta. Jacinta ang menor de edad na manganganak na.
Dahil dito ay agad na bumaba sa kanilang sasakyan ang dalawang pulis at inalalayan ang babae at mabilis na itinakbo sa pinakamalapit na pagamutan.
Gayunman, naabutan na ng panganganak ang babae kung kaya’t sa likod mismo ng PNP Patrol car ay nailuwal na nito ang kanyang sanggol sa tulong ng dalawang pulis at isang kawani ng MDRRMO-Palanan.
Nasa maayos namang kalagayan ang mag-ina matapos ang pangyayari makaraang asikasuhin ng mga doktor at narse sa lugar.
Sinaluduhan naman ng mga netizen ang dalawang pulis na hindi nagdalawang-isip upang tumulong sa babaeng manganganak na pala sa mga oras na iyon. | ulat ni Teresa Campos | RP1 Tuguegarao
📷Palanan PS