Hinikayat ni Ako Bicol Party-list Representative Raul Angelo ‘Jil’ Bongalon ang Senado na ipakita ang dedikasyon at suporta sa isinusulong na economic reform ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pamamagitan ng agarang pag-amyenda sa “restrictive” economic provisions ng 1987 Constitution.
Kasunod na rin ito ng pahayag ni PBBM sa ginanap na Constitution Day kung saan, inihayag ng Pangulo ang hangarin na mapa-unlad ang bansa at maging handa ito sa mga hamon ng ika-21 siglo sa pamamagitan ng mahahalagang repormang konstitusyonal.
Iginiit din dito ng Pangulo na tanging amyenda sa economic provisions lang ang susuportahan ng administrasyon.
Sinang-ayunan din ni Bongalon ang obserbasyon ng Pangulong Marcos na ang kasalukuyang Konstitusyon ay naglalaman ng mga probisyon na naglilimita sa paglago ng ekonomiya, pagpasok ng dayuhang pamumuhunan, at kahandaan ng pamahalaan.
“We urge the esteemed members of the Senate to take into account the statement of our President, who emphasized the need to facilitate the entry of significant foreign investments. This will pave the way for faster and more inclusive economic growth, which can ultimately lead to a better quality of life for all Filipinos,” ayon kay Bongalon.
Sa parehong pagtitipon, inihalimbawa naman ni retired Supreme Court Chief Justice Reynato Puno ang ang Estados Unidos, na sinasabing walang Konstitusyon na likha ng tao at para sa mga tao na perpekto, walang kamalian, at hindi nangangailangan ng mga pagbabago. | ulat ni Kathleen Jean Forbes