Pinatataasan ni House Speaker Martin Romualdez ang sinasagot na bayarin ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Aniya, marami ang lumalapit at nagtatanong sa kaniya kung maaaring bang madagdagan ang sasagutin ng PhilHealth sa billing at Doctors’ fees lalo na kung ang kinuhang kwarto ay private o nasa payward.
Hinaing kasi aniya ng mga pasyente lalo na ng mga mahihirap na umaabot lamang sa 15% hanggang 20% ang sinasagot ng PhilHeath sa hospital bills.
Maliban dito, 30% lamang ng bayarin ang sinasakop na subsidiya ng PhilHealth sa mga pasyenteng nasa pribadong ospital kabilang na ang professional fees ng mga doktor at espesyalista.
Dahil dito, planong pulungin ng House leader ang mga opisyal ng PhilHealth at ng Department of Health (DOH) upang talakayin kung papaano mapalalawak ang mga benepisyo ng mga miyembro, kabilang na ang pagtaas ng saklaw na bayarin sa mga pribadong ospital.
Ayon kay Speaker Romualdez, hahanapan nila ito ng solusyon ng hindi na kailangan pang idaan sa paggawa ng batas dahil mas matatagalan lamang ito.
“Hindi naman lahat na na-aadmit sa ospital ay nasa free o charity ward. Mabilis kasi maubos ang mga charity beds. Hiling ng mga tao na kalahati ng bill nila sana kapag na-admit sa private ay sagutin ng PhilHealth para kalahati na lang ang babayaran ng miyembro,” ayon sa pinuno ng Kamara.
Suportado naman ni Dr. Jose Degrano, pangulo ng Private Hospital Association of the Philippines (PHAP), ang mungkahi ng House leader.
Malaking bagay aniya kung maisakatuparan ito, lalo’t marami ang mahihirap na naa-admit sa payward dahil naubusan na ng ‘beds’ sa charity ward. | ulat ni Kathleen Jean Forbes