Bumaba ang kabuuang produksyon sa sektor ng pangisdaan sa bansa sa taong 2023, ayon sa Philippine Statistic Authority (PSA).
Batay sa tala ng PSA, umabot sa 4.26 milyong metriko tonelada ang produksyon ng pangisdaan mula Enero hanggang Disyembre ng 2023.
Mas mababa ito ng 1.8% kung ikukumpara sa naitalang 4.34 milyong metriko toneladang produksyon noong 2022.
Ayon sa PSA, pangunahing nakahatak sa pagbaba ng produksyon ay ang commercial, marine municipal, at inland municipal fisheries subsector.
Sa commercial fisheries production, nasa 4.9% ang naitalang annual decline para sa kabuuang 820.30 libong metriko tonelada.
Bumaba naman ng 7.3% ang total volume of production sa marine municipal fisheries habang 0.4% naman ang ibinaba sa inland municipal fisheries production.
Samantala, nakapagtala naman ng pagtaas ang aquaculture production sa taong 2023.
Aabot sa 2.38 milyong metriko tonelada ang kabuuang produksyon sa naturang sektor na mas mataas ng 1.5% kumpara sa output noong 2022.
Ang aquaculture subsector din ang may pinakamalaking share na 56% sa kabuuang fisheries production nitong 2023.
Kabilang sa mga pangunahing isda na nakapagtala ng output reduction ang bangus, tulungan, tunsoy, at bisugo,
Samantala, tumaas naman ang produksyon sa seaweed (5.3%), round scad (galunggong, 11.2%), Indian mackerel (alumahan, 17.6%), at yellowfin tuna (tambakol/bariles, 6.6%). | ulat ni Merry Ann Bastasa