Hindi na kailangan pa ng loyalty check sa hanay ng uniformed personnel.
Ito ang sinabi ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel sa gitna na rin ng isyu ng panawagang ihiwalay ang Mindanao sa kabuuan ng Pilipinas.
Ayon kay Pimentel, mismong ang mga pinuno na ng unipormadang hanay ang nagsalita na po-protektahan nila ang soberanya ng bansa at pipigilan ang sinumang grupo na magkakasa ng Mindanao secession.
Kabilang na dito ang Defense Secretary, AFP Chief of Staff at PNP Chief.
Tiwala rin aniya siya sa katapatan ng uniformed personnel sa bansa.
“DND (Department of National Defense) Secretary [Gibo] Teodoro, AFP (Armed Forces of the Philippines) Chief General [Romeo] Brawner [Jr.], and PNP (Philippine National Police) Chief General [Benjamin] Acorda [Jr.] has already released a statement that they will protect the sovereignty of our country and vowed to stop any group that will initiate secession of Mindanao. I believe that the men in uniform are loyal to our country,” sabi ng mambabatas.
Matatandaan na sa selebrasyon ng Constitution Day ay sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na isang ‘grave violation’ ng Saligang Batas ang panawagang ihiwalay ang Mindanao at naniniwalang hindi ito magtatagumpay. | ulat ni Kathleen Forbes