Simula sa buwan ng Marso 2024, may iaalok si dating Ilocos Sur Gov. Luis Chavit Singson na electric jeepney para sa mga Pinoy Driver.
Ang naturang jeepney ay pasok sa standard ng pamahalaan sa ilalim ng PUV Modernization Program.
Ayon kay Singson, ginaya ang proto type jeep sa lumang pampasaherong jeep sa Pilipinas kung kayat ang nakagawian pa rin ang magiging disenyo.
Ang kagandahan pa nito, walang ibibigay na down-payment at zero interest upang matulungan ang mga tsuper at operators.
Nakikipag-ugnayan na ngayon si Singson sa mga transport group tulad ng Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas o LTOPF, ALTODAP, PASANG Masda at iba pa.
Nasa 100,000 mga e-jeep ang unang batch na ibibigay sa mga Pinoy jeepney driver sa buwan ng Marso.
Ang naturang jeep ay ginawa sa South Korea, pero sa mga susunod na buwan ay magkakaroon na ito ng sariling factory dito sa Pilipinas. | ulat ni Michael Rogas