Lumagda sa isang kasunduan ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at ang isang civic organization upang matulungan ang mga batang may kapansanan o Children with Disabilities (CWDs).
Pinangunahan ni DILG Secretary Benhur Abalos at Professor Abelardo Apollo David Jr., Pangulo ng Rehabilitation and Empowerment of Adult and Children with Handicap (REACH) Foundation Inc. ang paglagda sa memorandum of understanding (MOU).
Sa ilalim ng kasunduan, ang CWD beneficiaries ay mabibigyan ng pagkakataon para sa libreng occupational, physical at mental services sa pamamagitan ng teletherapy.
Ito ay isang pamamaraan na ang isang CWD ay nakatatanggap ng kailangang pangangalaga sa pamamamagitan ng isang secure video connection.
Batay sa datos ng DILG, humigit-kumulang 270,000 ang CWDs o isang batang wala pang 15 taong gulang sa bawat limang PWD sa Pilipinas. | ulat ni Rey Ferrer