Nagapasalamat si Basilan Rep. Mujiv Hataman sa inihayag na suporta ng Pang. Ferdinand R. Marcos Jr sa para sa unang halalan ng Bangsamoro government sa 2025.
Ayon kay Hataman ang malaking bagay ang paghikayat mismo ng Pangulo na gawing makasaysayan at matagumpay ang pagdaraos ng naturang halalan.
Para sa mambabatas ang halalan sa Bangsamoro ang pinakamataas na simbolo ng kalayaan at demokrasya para sa mga mamamayan.
Kaya’t kaisa siya sa hangarin na maidaos ito ng mapayapa.
“We are pleased to hear the President’s statement urging leaders in BARMM to make the 2025 elections a historic one. Tunay na makasaysayan ito para sa mamamayan ng Bangsamoro na matagal na ipinaglaban ang karapatan sa awtonomiya at self-governance. Masasabi lang natin na may tunay na autonomous region ang Bangsamoro kung ang mga mamamayan ay malayang makakapili ng kanilang mga lider sa pamamagitan ng bisa ng malaya at maayos na halalan,” sabi ni Hataman.
Noong 2022 pa dapat isinagawa ang BARMM Elections salig sa RA 11054 o Bangsamoro Organic Law, ngunit ipinagpaliban ng batas na pinagtibay ng 18th Congress.
Umaasa naman si Hataman na ang resulta ng 2025 BARMM elections ay magsusulong ng equitable o patas na representasyon sa Bangsamoro Parliament para sa lahat ng Moro people kasama ang indigenous peoples, ethnic minorities at settler communities.
“Under the Bangsamoro Organic Law, the word ‘equitable’ is mentioned nine times. Equitable representation sa Bangsamoro government at equitable share sa lahat ng resources. Dahil isa sa mga esensya ng Bangsamoro ay ang pagkakapantay-pantay ng karapatan ng mga mamamayan,” ani Hataman.| ulat ni Kathleen Forbes