Inaasahang aabot sa daan-libong mga deboto ang daragsa sa National Shrine of Our Lady of Perpetual Help o mas kilala bilang Baclaran Church sa Parañaque City ngayong araw.
Ito’y dahil bukod sa tradisyonal na araw ng pagdedebosyon ay isinasagawa rin ngayon ang Ash Wednesday o ang Mierkules de Ceniza na hudyat ng pagbubukas ng Kuwaresma.
Pinangunahan ni Fr. Rico Bilangel C.Ss.R ang unang misa kaninang alas-5:45 ng umaga kung saan, sinabi nito sa kaniyang homily na magandang pagkakataon ang pagsasabay ng Ash Wednesday sa Valentine’s day ngayong araw.
Magsilbi aniyang palaala ito na hindi sa mga materyal na bagay maipakikita ang tunay na pagmamahal kundi ang pag-aalay ng sarili para sa kapwa.
Ang Kuwaresma ay ang 40 araw na paghahanda ng mga Katoliko sa pagdating ng mga Mahal na Araw o Semana Santa kung saan, ginugunita ang paghihirap, pagkamatay, at muling pagkabuhay ni Hesukristo. | ulat ni Jaymark Dagala