Pinili ng ilang mga kapatid na Katoliko na makipag-date muna sa Diyos bago sa kanilang ini-irog ngayong Araw ng mga Puso.
Ito’y dahil kasabay ng Valentine’s Day ang Ash Wednesday na hudyat naman ng pagsisimula ng Kuwaresma o ang 40 araw na paghahanda para sa mga Mahal na Araw o Semana Santa.
Sa Immaculate Conception Cathedral sa Pasig, madaling araw pa lamang ay dinaragsa na ng mga mananampalataya para magsimba at magpapahid ng abo sa noo.
Pinangunahan ni Diocese of Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara ang unang misa para sa Ash Wednesday kung saan, sumentro ang kaniyang homily sa disiplina ng Kuwaresma.
Binigyang-diin nito na ang panalangin, pag-aayuno at panglilimos o kawang-gawa ay isa sa mga pagsasakripisyo na pagpapakita ng tunay na pagmamahal sa Diyos at kapwa.
Aniya, dapat hindi ito maging pakitang tao lamang, sa halip ay dapat isapuso at isabuhay araw-araw.
Bagaman oras-oras ang isinasagawang misa sa Pasig Cathedral hanggang alas-8 mamayang gabi, mayroon din silang live streaming sa Facebook para sa mga may-sakit at hindi kayang makapunta ng pisikal sa simbahan. | ulat ni Jaymark Dagala