Pinangunahan ng FMB o Forest Management Bureau ng DENR Caraga ang Tree Hugging Campaign nitong Lunes at magtatapos sa darating na Biyernes.
Unang nakiisa ang ilang empleyado ng DENR Caraga sa pagyakap sa tinatayang 500 taong gulang na Bitaog Tree sa bayan ng Magallanes, Agusan del Norte. Nasa 290 centimeters ang lapad nito pabilog kayat hindi bababa sa sampong tao ang kailangan para mayakap ang nasabing punong-kahoy.
Tampok naman sa Sitio Sanyata, Brgy. San Roque, Bislig City sa Surigao del Sur ang puno ng Malaanonan na pinangalanang ‘Bagtikan’, isang uri ng hard wood.
Panawagan ng FMB-DENR Caraga ngayong Araw ng mga Puso, iparamdam ang pagmamahal sa kagubatan sa pamamagitan ng pagyakap sa mga puno. Ayon sa tanggapan, isa itong paraan para palawakin ang awareness ng mamamayan sa kahalagahan ng puno sa paglaban sa climate change.
Kaya naman ang mga empleyado ng Bislig City Environment and Natural Resources Office kanya-kanyang yakap sa mga puno bilang pasasalamat sa libre at malinis na hanging nalalanghap. Nag-tree planting din bilang pasasalamat sa Inang-Kalikasan. | ulat ni May Diez | RP1 Butuan
📸 DENR Caraga