Naghain si Senador Imee Marcos ng isang resolusyon para siyasatin ang panghihimasok at hindi makatwirang presensya ng iba’t ibang intergovernmental organizations sa Pilipinas.
Sa Senate Resolution 927, partikular na tinukoy ni Marcos ang International Criminal Court (ICC) at ang United Nations (UN).
Ayon kay Sen. Imee, ang hindi maskatwirang presensya ng mga organisasyong ito sa ating bansa ay nagdudulot ng banta sa kalayaan at soberanya ng Pilipinas.
Binanggit ng senador sa kanyang resolusyon ang sinasabing pagbisita ng ICC investigators sa Pilipinas noong Disyembre para mangalap ng ebidensya bilang bahagi ng kanilang imbestigasyon sa ipinatupad na “war on drugs” ng nakaraang administrasyon.
Pinunto rin ng mambabatas na sa kabila ng pagkalas ng Pilipinas sa Rome Statute at mga pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na wala nang hurisdiksyon ang ICC sa ating bansa ay ipinagpapatuloy pa rin ng ICC ang kanilang imbestigasyon.
Binanggit rin ni Sen. Imee sa kanyang resolusyon ang naging pagbisita ni UN Special Rapporteur Irene Khan sa Pilipinas kung saan nagrekomenda itong buwagin na ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion